23

Dec 25, 2017 @ 15:13
By

Bantang malawakang brownout ng ERC, blackmail lang – Zarate

Ayaw kagatin ng grupong Bayan Muna ang banta ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magkakaroon ng malawakang brownout kapag nasuspinde ang apat nitong commissioners.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, ang ginagawa ng ERC ay pamba-blackmail.

“Bina-blackmail po tayo ng ERC na kapag nasuspinde o natanggal ang mga commissioners nito ay magkakaroon ng malawakang browout. Paglilihis at pagtatakip lamang ‘yan sa kanilang pananagutan sa mamamayan,” ani Zarate.

Giit ni Zarate, malinaw sa findings ng Ombudsman na nagkaroon ng mga paglabag sa kanilang tungkulin sina Commissioners Gloria Victoria Yap-Taruc, Alfredo Non, Josefina Patricia Magpala-Asirit at Geronimo Sta. Ana kaya dapat ipatupad ang utos ng anti-graft body.

“They committed an offense detrimental to the public and they should be made accountable and not treated as sacred cows,” pahayag ng kongresista.

Sabi pa nito, dahil sa natuklasan ng Ombudsman ay puwede pa ngang sibakin ng Presidente ang nasabing mga opisyal at palitan ng mga bago na tunay na nagsisilbi para sa interes ng consumers.

“Dapat nang patakbuhin ang ERC ng mga may tunay na malasakit sa mga consumers at hindi ang interes lamang ng iilan at mga power oligarchs,” pagtatapos ni Zarate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?