1,201

Oct 20, 2021 @ 9:16
By

Banta ni Gordon na zero budget sa OP, subukan mo! – Duterte

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Dick Gordon na ituloy ang bantang zero budget sa Office of the President para magkasubukan.

Sa kanyang Talk to the People, muling binira ng Pangulo ang senador matapos magbanta umano na hindi bibigyan ng budget ang tanggapan nito.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi magiging maganda para sa lahat kapag itinuloy ni Gordon na kaltasan o tuluyang huwag bigyan ng budget ang Office of the President .

“Tingnan mo, subukan mo. I challenge you,huwag kang manakot,mgawin mo. O i-zero budget mo ang Office of the President. Sige nga , gawin mo daw,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na lahat ng pondo sa gobyerno ay dadaan sa kanya kaya huwag pakasisiguro ang senador.

Sinabi ng Presidente na siya ang nagbibigay ng go -signal para magpalabas ng pondo sa gobyerno kaya walang magagawa ang mambabatas kung siya naman ang hindi kikilos para maibigay ang pondo ng mga ito.

” Aabot ba yang pera ninyo kung hindi magdaan sa akin? Eh kung hindi ako mag-release? Tit for tat. Akala ninyo kayo lang ang marunong,” dagdag ng Pangulo.

Tinawag ng Presidente na pang-aabuso ang ginagawang pananakot ng mga senador na posibleng magresulta sa pagkaparalisa ng gobyerno.

“You threaten the budget of different agencies of the Executive because officials refuse to attend to your hearings. Ito yung mga pang-aabuso talaga sa gobyerno –pagka demokrasya, itong separation of powers, co-equal and everything, and they threatened to paralyze government,” wika ng Pangulo.

Nag-ugat ang banta ng senador na babawasan and pondo sa mga ahensiya ng ehekutibo matapos pagbawalan ni Pangulong Duterte ang mga gabinete nito na dumalo sa hindi matapos-tapos na hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa isyu ng umano’y overpriced na mga biniling medical supplies ng gobyerno para tugunan ang problema sa COVID-19. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?