126

Nov 26, 2017 @ 21:05
By

Banta ni Duterte sa mga leftists, nakakabahala – Tinio

Nagpahayag ng pagkabahala si ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio kaugnay ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa umano’y “legal fronts” ng mga rebeldeng komunista.

“Sa bahagi natin, tingin natin napapatungkulan tayo diyan at siyempre nangangamba tayo na maging target ng anumang pangdarahas batay sa mga naging pahayag ni Pangulong Duterte,” ayon kay Tinio.

Pero nilinaw ni Tinio na hindi legal front ng kilusang komunista ang ACT Teachers partylist group at hindi rin ito konektado sa Communist Party of the Philippines (CPP).

“Hindi po tayo legal front. Tayo’y mga legal organization at walang kung ano mang kinalaman sa Communist Party of the Philippines, sa NPA (New People’s Army),” paglilinaw ng kongresista.

“Ang lahat ng mga organization namin ay duly registered. Merong SEC (Securities Exchange Commission) registration ‘yan,” dagdag pa ng mambabatas.

Gayunpaman, hindi maiwasang kabahan ni Tinio dahil ang problema anya sa pahayag ng pangulo ay pinaghahalo nito ang legal at iyung illegal o iyong walang armas at mapayapa ang pamamaraan nang pagkilos dun sa mga illegal at armado.

Ginawa ng militanteng kongresista ang pahayag matapos pirmahan ni Pang. Duterte ang Proclamation No. 360 na tumatapos sa lahat ng negosasyon ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF.

Nagbanta rin ang presidente na ipa-aaresto ang lahat ng armadong rebelde maging ang mga miyembro ng tinawag nitong “legal fronts” na tumutulong sa mga makakaliwa. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?