115
Bangkay ng paslit, sinilid sa drum
Jun 14, 2019 @ 14:54
By

Bangkay ng paslit, sinilid sa drum

Patay na nang matagpuan ang isang 2-anyos na batang lalaki na nakalagay sa isang drum na may lamang tubig sa isang boarding house malapit sa kanilang bahay, Miyerkoles ng gabi sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon kay Police Corporal Jackilou Malagamba, hepe ng Womens and Children’s Desk ng Tagolaon Municipal Police Station (MPS), posibleng sinadya ang insidente dahil sa mayroong nakitang sugat sa ulo ng biktimang si Renz Gubat, residente ng Barangay Casinglot ng nabatid na bayan at naka-lock pa ang takip ng drum ng madiskubre ang bangkay ng bata sa loob nito.

Hindi rin umano malulunod ang bata sa tubig na nakalagay sa loob ng drum dahil sa kakaunti lang ang laman nito.

Napag-alaman na nadiskubre ang bangkay ng biktima pasado alas-7 ng gabi ng kumuha ng tubig ang isa sa kapitbahay na nakilalang si Aries upang gamitin sana sa kanyang pagbabanyo.

Subalit laking gimbal nito ng makita ang biktima sa loob nito at wala nang malay na tao.

Sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit ayon sa doktor na sumuri dito ay patay na ang bata ng idating doon.

Sa pagsisiyasat pa ng pulisya, posibleng may foul play sa pagkamatay ng bata dahil kung aksidente umano itong nahulog sa container at dapat ay una ang ulo nito pero sa puwesto ng bangkay ng bata ay nakatihaya ang katawan nito sa loob ng container.

Huli umanong nakita ang biktima na nakikipaglaro sa kanyang nakakatandang kapatid ng hapon ng Miyerkules subalit nung maghahapunan na ang pamilya ay hindi na nila ito nakasamang kumain.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang responsable sa krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?