346

Sep 9, 2019 @ 14:34
By

Bangkay ng ex-US Navy bumulaga sa dating condo ni Willie Revillame

Isang retired US Navy ang natagpuang patay sa isang condominium unit sa gusaling dating pag-aari ni Wowowin host Willie Revillame sa Brgy. South Triangle, Quezon City (QC), nitong Linggo ng hapon, Setyembre 8.

Ayon sa QC Police District Kamuning Station 10, dakong alas-12:09 ng tanghali nang matagpuang patay na si Daniel Alfred Daley, 59-anyos na retired US Navy sa kanyang silid sa Unit No.35 ng G Will Tower na matatagpuan sa Eugenio Lopez Drive sa nasabing barangay.

Batay sa inisyal na ulat, ang biktima at ang live-in partner nito na nakilalang si Clariza Nueva, 23, ay nag-check in sa nasabing condo unit noon pang Hul;yo 7, 2019 hanggang sa petsa ng insidente.

Umalis umano si Nueva kasama ang kanyang tatlong anak subalit pagbalik niya sa kanilang condo ay nalaman na lamang niyang wala nang buhay si Daley habang nakahiga sa kanilang kama.

Wala namang nakitang external injury sa bangkay ng biktima kaya hinihinalang inatake ito sa puso.

Bagama’t iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagkamatay ng dayuhan ay magsusumite naman ang awtoridad ukol sa insidente sa Foreign Liaison Division upang mapabatid na sa concerned embassy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?