1,355
dead-body
Jul 8, 2019 @ 16:11
By

Bangkay ng Ateneo staff umalingasaw sa Shopwise

Nabubulok na nang matagpuan ang bangkay ng staff ng Central Purchasing Office ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa loob ng kaniyang sasakyan na nakaparada sa Shopwise sa Araneta Center, Cubao, Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ni P/Lt. Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Fernando Balasta Rodriguez, 59, residente ng Saint Teresa St., Dela Costa, Marikina City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid Tanog ng CIDU-QCPD, natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng biktima alas-singko ng madaling-araw (July 8) sa parking lot sa ikalawang palapag ng Shopwise Araneta Center.

Nagsasagawa umano ng pagro-roving ang security guard na si Jhomar Borlagdan nang makalanghap ito ng masangsang na amoy mula sa isang kotse na nakaparada sa parking area ng Shopwise.

Dahil dito ay sinundan ng guwardiya ang pinagmumulan ng masangsang na amoy at doon ay nakita niya sa loob ng kotse ang naaagnas na bangkay ng biktima kaya agad niyang ini-report sa Cubao Police Station ang insidente.

Sa isinagawang ocular inspection, nabatid na ang kotse ng biktima na may plakang WSR-231 ay nakaparada na sa nasabing parking lot mula pa noong Hulyo 5.

Wala namang nakitang external injury ang SOCO kaya hinihinalang inatake sa puso sa parking lot ang biktima at sa loob ng kaniyang sasakyan binawian ng buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?