143
bangkay
Jan 11, 2018 @ 21:20
By

Bangkay na puro tattoo, natagpuan sa kalsada

Natagpuan ang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae na tadtad ng tattoo sa madilim na bahagi ng kalsada na may tama ng bala sa ulo sa Caloocan City kaninang umaga.

Ayon kay Caloocan City Police chief Ilustre Mendoza, alas-5:30 ng madaling-araw natagpuan ang bangkay na inaalam pa ang pagkakakilanlan sa kahabaan ng Dahlia Street, Sampaguita Subdivision, Barangay 175, Camarin.

Nakasuot umano ito ng itim na blouse, puting short pants, kulay tsokolate ang buhok, may suot na silver na hikaw, surgical mask sa kanyang mukha at may mga tattoo na krus sa kanyang kanang binti, mga paru-paro sa likuran at pangalang Jayson Maraya sa kanyang beywang.

Natagpuan ni Godofredo Tolido, na miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team ng Camarin, Sampaguita Chapter, ang bangkay habang nagja-jogging sa nasabing kalye.

Itinawag niya sa Caloocan City Police Presinto 5 ang kanyang nakita na agad nagsagawa ng pagsisiyasat at nakita ang tama ng bala sa sentido ng biktima. Paniwala ng pulisya, posibleng itinapon lamang sa lugar ang bangkay at hindi pinatay sa lugar dahil walang nakitang basyo ng bala kung saan nakita ang katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?