180

Sep 29, 2020 @ 19:38
By

Bangayang Cayetano-Velasco tutuldukan na ni Duterte

Tuloy ang nakatakdang paghaharap Martes ng gabi sa Malacañang nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco.

Kinumpirma ito ng Palasyo kung saan nakatakdang magharap ang dalawang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte para pag-usapan ang term sharing na naunang napagkasunduan ng mga ito.

Inaasahang si Pangulong Duterte ang magsisilbing referee at sa pagitan nina Cayetano at Velasco.

Sa press briefing ni Presidential Spokesman Harry Roque, kinumpirma nitong alas-6 ng gabi ang pulong at nananatili ang posisyon ni Pangulong Duterte sa agawan sa speakership sa Kamara.

“6 pm tonight. Nasabi ko na po ang posisyon ni Presidente. I hope they honor the agreement pero wala siyang magagawa kung walang boto si Congressman Lord Allan Velasco,” ani Roque.

Batay sa impormasyon, posibleng bitbitin ni Cayetano ang kanyang maybahay na si Congresswoman Lani Cayetano, Majority leader Martin Romualdez, Deputy Speaker LRay Villafuerte, Congressmen Rodante Marcoleta, Abraham Tolentino, Mikey Arroyo at Jonathan Alvarado.

Sa panig naman ni Velasco, inaasahang sasamahan siya sa pulong nina Representative Kristine Singson, Mikee Romero, Sharon Garin, Joseph Paduano, Mark Enverga, Michael Duavit, Johnny Pimentel at Doy Leachon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?