4

By

Ban sa poultry products ng PH, binawi na ng Hong Kong

Sharing is caring!

Makalipas ang mahigit isang taon, binawi na ng gobyerno ng Hong Kong ang import ban sa mga poultry products na magmumula sa Pilipinas matapos maresolba na ang nangyaring bird flu outbreak sa Central Luzon noong nakaraang taon.

Ang pagbawi sa ‘import ban’ ay inanunsiyo ng Bureau of Animal Industry at ito ay naging epektibo noon pang Oktubre 31 sa pamamagitan ng sulat kay Agriculture Asec. Enrico Garzon.

Ayon sa kawanihan, nagpaalala na rin ang Agriculture, Fisheries and Conservation Department ng Hong Kong na dapat sumunod sa guidelines ang mga Filipino importer.

Nabatid na sasailalim pa sa testing ang mga poultry product na mula sa Pilipinas pagdating ng mga ito sa Hong Kong bago maipapalabas ang mga ito para sa mga konsyumer.

Ngunit sa ngayon ay wala pang bagong importation protocol ang Pilipinas at Hong Kong matapos ipatupad ang importation ban noong Agosto 14, 2017.

Unang binawi ng Singapore ang kanilang sariling importation ban sa poultry products mula sa Pilipinas noong Setyembre.

Noong Hulyo 24, 2017 pumutok ang bird flu outbreak sa dalawang poultry farms sa San Luis, Pampanga kung saan libo-libong manok ang pinatay at nagkaroon din ng katulad na sitwasyon sa Nueva Ecija.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?