108
kiko-pangilinan
Feb 15, 2018 @ 17:59
By

Ban sa political dynasty may tiyansa na – Kiko

May pag-asa na umano ngayon na magawa ang batas na tuluyang magbabawal sa political dynasty.

Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, vice chairman ng Senate committee on electoral reforms, nakikita niya na bukas ang mayorya ng mga senador sa pagsuporta rito bagaman mayorya rin sa kanila ay mula sa angkan ng mga pulitiko.

Maari naman aniyang magkaroon ng kompromiso sa depinisyon ng political dynasty upang hindi tuluyang pagbawalan ang magkakamag-anak sa paghawak ng elective posts.

Batay sa sinabi ng political science experts sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Pangilinan na maaring hanggang second degree ng consangunity at affinity ang pagbawalan at maari ring payagan ang “thin political dynasty” kung saan pwedeng palitan o relyebo ang magkaanak sa pwesto.

Makatwiran na umano ito kaysa sa tinaguriang “fat political dynasty” kung saan sabay-sabay na humahawak ng puwesto sa local government ang magkakamag-anak.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Dean Ronald Mendoza, dekano ng Ateneo School of Government, na nakikita niyang lulusot ang ganitong konsepto sa Kamara dahil higit 50% doon ay produkto ng “thin political dynasty” at bagong political clans.

Ilang senador naman ang nagpahayag ng suporta sa panukalang batas.

Sinabi ni Senadora Grace Poe, na walang kaanak sa gobyerno, na mayroong hindi mapipigilan ang kagustuhang sundan ang yapak ng mga magulang sa pag-upo sa gobyerno pero kailangang kontrolin dahil ginagawa nang negosyo ang pagtakbo sa gobyerno at nawawala ang diwa ng demokrasya kapag limitado sa iilang pamilya ang nagdedesisyon sa gobyerno.

Ayon naman kay Senador Antonio Trillanes, wala ring kaanak sa gobyerno, maari sana ang political dynasty kung maigting ang anti-corruption agencies.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?