109

By

Ban sa mga likido, ipinawalang-bisa na ng MRT-3

Puwede nang muling magpasok ng mga liquid material sa mga istasyon ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3).

Ito ay matapos ianunsyo ng pamunuan ng nasabing tren na kanila nang ipapawalang-bisa ang ban para sa mga pasaherong nagdadala ng mga liquid materials tulad ng tubig, pabango, rubbing alcohol at iba pa.

“Ang mga liquid item (tulad ng tubig, pabango, hand sanitizer, lotion, rubbing alcohol, atbp.) na mahigit 100ML ang volume capacity ay pinapayagan na sa aming mga istasyon at tren,” saad sa advisory ng MRT-3.

Gayunpaman nilinaw na ang mga likido ay dapat munang mai-test bago ito pahintulutan sa loob ng mga tren at istasyon.

Pinaalalahanan din ang publiko na nakumpiskahan ng mga gamit na maaari itong kunin sa mga istasyon kung saan ito nakuha.

“Muli po naming ipinapaalala na maaari niyo pong kunin ang inyong mga nakumpiskang liquid item mula nang ipinatupad ang pagbabawal ng anumang likido, sa aming Station Control Room sa istasyon kung saan ito nakumpiska. Ipakita lamang ang inyong ID (identification card) sa aming Station Supervisor upang makuha ang mga nasabing item,” dagdag pa sa advisory.

Matatandaan na nagsimula ang ban matapos ang mga pambobomba sa Mindanao, sinabi pa ng MRT-3 management na nagkaroon ng bomb threat sa kanilang istasyon na isa sa naging hudyat sa liquid ban.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?