677

Oct 10, 2021 @ 17:05
By

Bam sa mga ‘kakampink’: Labanan fake news vs VP Leni

Hinamon ni dating Sen. Bam Aquino ang kanyang mga “kakampink” na labanan ang fake news na ikinakalat upang siraan si Vice President Leni Robredo na tumatakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Nagpasalamat din si Aquino, na tumatayong campaign manager ni Robredo, sa mga nagpakita ng kanilang suporta sa bise presidente ng magdeklara itong tatakbo sa darating na halalan.

“Mahalaga ang pink-splosion na nangyari noong Huwebes, dahil nakita po natin na kapag tayo’y titindig, meron ding titindig sa tabi natin. Na kung tayo ay buong tapang na maghahangad ng pagbabago, meron ding ibang sasama sa atin,” sabi ni Aquino.

Bukod sa pagtatama ng mga fake news, hinimok ni Aquino ang mga “kakampink” na mag-organisa at maging volunteer sa kanilang ipinaglalaban.

“Volunteers ang pagkukunan ng lakas ng ating kampanya. Kailangan nating masigurado na maaabot natin ang bawat sulok ng Pilipinas. Hindi lamang sa online ang ating laban. Kailangan pa rin nating lumabas, kumausap, at mangumbinsi,” dagdag pa ni Aquino.

Dapat din umanong maging bukas ang mga “kakampink” sa mga suhestiyon upang mapaganda ang kanilang estratehiya sa pangangampanya.

“Huwag nating awayin ang mga nagbibigay ng suhestyon kung paano pagagandahin pa ang kampanya bagkus makinig at suriin. Pink-lusive is the new inclusive!” sabi pa ng dating senador.

Ang pagkumbinsi umano sa iba na iboto si Robredo ay dapat ding simulan sa tahanan.

“Simulan natin ang pagkumbinsi sa ating mga tahanan at mga minamahal natin sa buhay,” wika pa nito.

Malayo pa umano ang kailangang marating, sabi ni Aquino at “Maraming pintuan pa ang kailangang makatok, mga mensaheng kailangang i-send, mga reply na kailangang i-comment, at mga heart-to-heart talk na kailangang gawin.” (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?