157

Oct 4, 2017 @ 17:02

Bam, Mocha nagkainitan sa fake news hearing

KINOMPRONTA ng ilang senador ang mga bloggers na naglabas ng mga negatibo at hindi tamang impormasyon sa kanilang mga blog hinggil sa kanila.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media hinggil sa fake news, unang nagharap sina Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV at Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa isyu ng pagiging patas.
Ito ay nang igiit ni Uson na nabiktima rin siya ng fake news kaugnay sa sinasabing pagse-selfie nito sa isang Mosque sa Marawi City.

Sinabi ni Uson na inilabas ang balita nang hindi man lamang kinuha ang kanyang panig kaya’t binuweltahan siya ni Aquino at iginiit na maging sila ay hindi naman binigyan ng pagkakataon ng blogger na kunin ang kanilang panig sa mga banat nito laban sa Liberal party o opposition senators.

“Sa dami-dami ng mga blog mo tungkol sa amin dito, may isang beses ba na humingi ka ng side namin,” saad ni Aquino.
Ilang beses din tinanong ni Aquino si Uson kung ginawa ba niya ito na sinagot nito na siya ay isang blogger at hindi journalist.

“I have the right to, I have a right, I have the right, ano po? I have the right to, against self-discri, ano, against self-incrimination. Sensya na,” sagot ni Uson nang pilitin ito ni Aquino.

Bukod kay Uson, hinarap din ni Aquino si Rey Joseph Nieto, o mas kilalang si Thinking Pinoy hinggil sa mga inihayag nito laban sa Liberal Party.

“Yes, we can’t control you right now, but we might,” mistulang pagbabanta pa ni Aquino kay Nieto. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?