1,583

Sep 28, 2021 @ 13:08
By

Bam, Kiko, De Lima swak sa listahan ng LP

Tinukoy na ng Liberal Party ang ilan sa mga kandidato nito sa pagkasenador sa 2022 elections.

Ini-nominate ng LP sina dating Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, re-electionists Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Sen. Leila De Lima.

Nagpasa rin ang LP ng resolusyon upang i-endorso sina Akbayan Sen. Risa Hontiveros at Atty. Chel Diokno bilang guest senatorial candidate.

Ang nominasyon ng mga kandidato ay ginawa sa virtual National Executive Council meeting ng LP ngayong Setyembre 28.

Dumalo sa pagpupulong sina Vice President Leni Robredo, Sen. Franklin Drilon, Rep. Jose Christopher “Kit” Belmonte, datong Representatives Teddy Baguilat at Erin Tañada, at Pangilinan.

Ang mensahe ni De Lima sa partido ay ipinaabot ng kanyang Chief of Staff na si Atty. Fhillip Sawali.

Si Aquino ay hindi pa naghahayag ng kanyang desisyon kung tatakbo o hindi.

Sinuportahan naman ng LP ang mga ginagawa ni Robredo upang makabuo ng koalisyon na makapagbibigay ng alternatibong pamumuno sa bansa.

Isang resolusyon ang pinagtibay ng partido upang bigyan ng kapangyarihan si Robredo na makipag-usap at makipagkasundo sa ibang grupo upang mabuo ang isang koalisyon.

Hinihintay din ng LP ang tugon ni Robredo kung ito ay tatakbo o mayroong susuportahang kandidato sa pagkapangulo.

Pinagtibay din ng partido ang isang resolusyon na kumikilala sa buhay at mga nagawa ni Pangulong Benigno S. “Noynoy” Aquino III.

“(He is) a stalwart of liberal democracy and a staunch believer in people-centric, people-led governance… he valued freedom above all else, and sought first the Filipino people’s freedom from hunger, from poverty, from ignorance, and from insecurity, instituting massive interventions towards empowerment so that the Filipino may exercise the rest of their freedoms in a manner that is both enlightened and responsible.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?