161

Nov 8, 2017 @ 18:43
By

Bam: Haharapin ni Noy ng buong tapang ang kanyang kaso

Nakatitiyak naman si Senador Bam Aquino na mapatutunayan ng kaniyang pinsan na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na wala itong kasalanan sa Mamasapano incident.

Itoy kasunod nang paghahain ng Office of the Ombudsman ng kasong kriminal laban sa dating Pangulo sa Sandiganbaya kaugnay ng 2015 Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force.

“Sa simula pa lang, naging bukas na ang dating pangulong Aquino ukol sa kanyang naging papel sa trahedya sa Mamasapano, kaya tiwala akong haharapin niya ang kaso ng buong tapang at katapatan,” sabi ng senador.

“Inaasahan naming mabibigyan na siya ng pagkakataon na ilabas ang katotohanan sa angkop na lugar. Inaasahan rin natin na sa huli, mananaig ang katarungan at katotohanan sa Sandiganbayan at sa puso ng mga Pilipino,” dagdag nito.

Kinasuhan ng Ombudsman ng graft at usurpation of authority si Aquino dahil nakipagsabwatan umano sa noon ay suspendido sa pulisya na si dating PNP chief Alan Purisima para ito ang mangasiwa sa paglusob ng PNP Special Action Force (SAF) sa pinagkutaan ng teroristang si alyas Marwan sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi na nakakabigla ang pagsasampa ng kaso laban kay Aquino dahil noon pa sinabi ng Ombudsman na nakita nila sa kanilang imbestigasyon na may batayan para ito maihabla.

“That is expected. It would be a surprise of the Ombudsman did not file it because that is not consistent, non-filing would not be in accordance with the procedure,” diin ni Drilon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?