343

Oct 7, 2021 @ 17:54
By

Bam Aquino nagsakripisyo para kay Robredo

Isinantabi muna ni dating senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang pagtakbo niya sa pagka-senador dahil sa kanyang tungkulin na maging campaign manager ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Aquino, wish umano ng bise presidente na maging campaign manager niya para sa pagtakbo sa pagka-presidente sa 2022.

“Hiniling niya (Robredo) sa akin na maging kaniyang campaign manager sa kinakailangan ngunit napakahirap na laban na ito,” sabi ni Aquino sa isang statement.

“Bagkus mayroon nang paghahanda patungo sa ating pagkandidato bilang senador muli, minarapat ko na isantabi ito para sa mas mahalagang laban para sa ating bayan,” dagdag nito.

Una rito, pormal ang ipinahayag ni Robredo ang kanyang pagsabak sa presidential race. Naghain na rin siya ng certificate of candidacy ilang oras matapos ang kanyang deklarasyon.

Bilang campaign manager, sinabi ni Aquino na ibubuhos niya ang lahat ng kanyang suporta para matiyak na magiging susunod na presidente ng Pilipinas si Robredo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?