32

Oct 2, 2017 @ 15:58

Balota sa barangay, SK elections, ready na

Kumpleto na ang mga balotang gagamitin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 23, 2017.

Sa ngayon, tuluy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) sa nasabing botohan hanggang hindi nalalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang ipinasa ng Kongreso para sa pagpapaliban ng nasabing eleksyon sa susunod na taon.

Sa pinakahuling ulat na ipinabatid ni COMELEC Spokesman James Jimenez, nabatid na ala-6 ng gabi noong September 30, natapos ng National Printing Office (NPO) ang pag-iimprenta sa mga kakailanganing balota.

Para sa Barangay Elections, kabuuang 43, 741, 986 ang mga naimprentang balota.

Para naman sa SK Elections, kabuuang 15, 836, 360 ang naimprentang balota.

Pero paglilinaw muli ng COMELEC, ang halos 60 milyong balota ay gagamitin lamang para sa eleksyon sa Luzon at Visayas dahil nauna nang nagpasya ang COMELEC En Banc na ipagpaliban ang eleksyong pam-barangay sa Mindanao bunsod ng nagaganap doong rebelyon.

Nauna rito, tiniyak ni Jimenez na nakahanda na ang COMELEC na ideliver ang mga balota sa ibat ibang lalawigan sa Luzon at Visayas. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?