Abante-VisMin-Radar-con-com
By

Balimbingan bawal sa federal constitution – Con-Com

Sharing is caring!

Inaprubahan ng Consultative Committee (Con-Com) na ipaloob sa binabalangkas nilang federal constitution ang mga probisyon na magbabawal sa pagbalimbing o paglipat-lipat ng partido-pulitikal.

Sa en banc meeting ng Con-Com, pinagtibay ang probisyon na magsasaad na bawal sa mga mahahalal sa gobyerno na lumipat ng partido sa buong panahon ng kanilang panunungkulan.

Ang mga kandidato naman ay pagbabawalan na tumalon ng ibang partido sa loob ng dalawang taon bago at matapos ang eleksiyon.

Kapag lumabag dito, matatanggal sa puwesto ang opisyal, bawal itong italaga sa anumang puwesto sa gobyerno, hindi maaaring kumandidato sa kasunod na eleksiyon at ibabalik ang ginastos ng partido para sa kaniyang kampanya.

Kakanselahin naman ng Commission on Elections (Comelec) akreditasyon ng partido na tatanggap sa balimbing.

Sa en banc session ng Con-Com na may 22 kasapi, 14 ang bumoto pabor sa nabanggit na mga panukalang probisyon, absent naman ang apat.

Samantala, inaprubahan din ng Con-Com na ibilang sa binabalangkas na Konstitusyon ang pagbabawal sa mga samahang panrelihiyon at sekta na magparehistro bilang partido pulitikal.

Kakanselahin ang akreditasyon ng political party kapag tumanggap ng financial contribution mula sa dayuhang bansa at mula sa mga kriminal.

Sinabi ni Con-Com chairman Reynato Puno na palalakasin dito ang partido-pulitikal bilang instrumento ng demokrasya.

Inatasan ang Con-Com na mag-aral at magrekomenda ng pagbabago sa Konstitusyon para maiakma sa isinusulong na federalism.

Ipinasusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang mga rekomendasyon hanggang sa Hulyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?