78

Oct 24, 2017 @ 11:46

Balikbayan box ‘red tape’

By Ralph Recto

Ito ang panahon na mistulang BPO workers ang mga senador : inuumaga sa pagrerepaso ng national budget.

Nung Lunes, 1:30 na ng umaga tinapos ang balitaktakan sa plenaryo. Ang biruan tuloy ay pwede na kami lahat bansagang Senator “Puyat”.

Mantakin mo naman — 13 pulgada ang kakapal ng mga dokumento. Kung kasama ang mga panukala ng mga ahensya, hanggang hita ang kamada ng mga papeles na hitik sa mga numero.

Di nakakapagtaka kasi halos P3.8 trilyones ang pambasang budget na balak gugulin. Ito ang balon na kung saan ang pondong gagastusin sa susunod na taon ay sasalukin: mula sa pildoras para sa ubo, chalk sa eskwela, bala ng mga sundalo, at daang-kilometro kalsada.

Pero hindi lang talaan ng numero ang budget ng pamahalaan. Hindi lang ito listahan ng mga proyektong ilulunsad. Ito rin ay isang malaking OPM – Oh Promise Me.

Ang tinutukoy ko ay ang mga performance indicators na nakadikit sa pondo ng mga ahensya. Ito ay mga promissory notes na dapat tupadin kapalit ng ponding matatanggap nila.

Halimbawa ang black-and-white na pangako ng PNP na sa loob ng 15 minutos ay reresponde sila sa mga tawag o tinext na saklolo. Pag may na-ispatan na akyat-bahay, mabilis pa dapat sa pizza delivery ang harurot ng mga tao ni Bato.

O di kaya ang itaga-nyo-sa-bato na pagyayabang ng BFP na di lalampas sa 7 minuto ay nandyan na ang mga bumbero.

Bida naman ng Metropolitan Manila Development Authority: Pag may tumirik na jeep sa kalsada, mahahatak sa loob ng 15 minuto. At pag may baha, 20 minuto lang ay kaya na nilang pahupain.

Doon naman sa mahilig maglakwatsa sa ibang bansa, orasan nyo sa susunod na nakapila kayo sa Immigration dahil ang pangako nila ay “gone in 40 seconds rule” ang byahero at turista.

Santambak ang mga OPM sa national budget. Sana matupad ng mga ahensya ito. Tulad na lang ng pangako ng Department of Transportation na 20 porsyento kaltas sa traffic ng eroplano sa NAIA at sa himpapawid.

Isa pang pangako ng ahensya ni Tugade: 40 KPH ang andar ng mga tren.

By the way, sa taong kasalukuyan, ito ang ilang mandatory speech limit ng DOTr serbis: 7 araw lang at nasa iyo na ang plaka, sticker, rehistro ng bagong sasakyan.

Sa renewal naman ng driver’s license, 60 minutes processing at may card pa.

Hindi lang serbisyo ang may kaakibat na performance guarantees. Kasama din ang sa imprastraktura. Kung iis-isahin mo ang mga ito, ang konklusyon ay bawal ang tamad at makupad.

Bida ng DPWH yung 1,500 kilomtero na bagong kalsada ay ready for inauguration na sa loob ng programmed period. Walang palugit.

Ganun din dapat sa departamento na tila usad pagong ang pag gugol ng pondo — ang Department of Education, na 95 grado sa underspending. Dapat ang deadline nito ay anim na buwan sa panunumpa ng bagong titser, at isang taon sa pagpapasinaya ng bagong classroom.

Kasi nga aanhin mo pondo, kung di naman nagagasta ng husto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?