36

Jun 17, 2020 @ 17:11

Baldwin ‘wag kang maangas!

Medyo humupa na ang mga batikos sa tila nabugbog-saradong American-New Zealander coach ng Ateneo na si Tab Baldwin, na assistant coach din ng TNT sa PBA, at kasalukuyang project director ng SBP dahil kilalang coach sa international basketball.

Nagbitaw kasi ng mga maaanghang na salita sa isang podcast interview si Baldwin tungkol sa Pilipinong coaches sa bansa, sa FIBA at PBA.

Constructive criticism naman, ayon sa ilan. Pero ‘yun nga, isinapubliko at hindi nilabas sa tamang pamamaraan ng dayalogo sa mga kinauukulan, kung ang nais talaga niya ay makatulong.

Sangkaterbang coaches at big names sa Philippine basketball ang umalma sa mga sinabi niya sa nagdaang Huwebes.

May ilan akong alam na mga international coach din ang nagtaka sa kanyang pananalita.

Humingi na ng dispensa si Baldwin sa kanyang mga nasabi, sa isang online meeting niya sa PBA Commissioner’s Office officials noong Lunes. Nagresulta ito ng P75,000 na multa at 3-game suspension para sa kanya sa PBA oras na magsimula muli ang liga.

Aniya, “taken out of context” ang kanyang sinabi.

Pero para sa akin, hindi tamang apology ito kasi para lang naghuhugas niya ng kamay at para na rin niyang sinabing mali ang pagkakaintindi ng mga tao sa kanyang sinabi. Walang kabahid-bahid ng paninisi o pag-amin ng mali sa kanyang mga sinabi.

May freedom of speech nga tayo sa bansa pero hindi lamang ito karapatan kundi isang responsibilidad lalo na sa mga taong tinitingala ng publiko.
Hindi rin tamang kagatin mo ang kamay ng mga taong nagbibigay sa yo ng pagkakataong magtrabaho at kumita sa bansa.

Pitong taon na si Baldwin sa Pilipinas at dapat alam na nya ang mga ito, lalo na ang pangangailangan niyang hindi dapat maging maangas at sa kabilang banda ay makisama pa bilang dayuhan lang dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?