161
sherwin-gatchalian
Nov 5, 2017 @ 13:24

Balatan ang mga naglustay ng P38B Malampaya funds – Gatchalian

Dapat umanong makasuhan ang mga taong sangkot sa tiwaling paggamit ng ng P38.8 bilyong Malampaya funds.

Ito ang sinabi kahapon ni Senador Sherwin Gatchalian kasabay nang kahilingan nito sa Senate blue ribbon at energy committee na siyasatin ang anomalya sa nasabing pondo.

Ayon kay Gatchalian, saklaw ng Blue ribbon committee ang pagtunton sa mga naglustay o nagbulsa ng Malampaya funds.

Kung kakailanganin, kabilang umano sa dapat tawagin ang mga dati nang idinawit sa Malampaya fund scam na sina pork barrel queen Janet Lim Napoles at pork barrel scam witness Ruby Tuason, dating appointment secretary ni Mayor Erap Estrada.

Pagtutuunan naman umano ng Energy committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ang pagrepaso sa nalikom ay ginastos na Malampaya funds at sa natitira pa nitong pondo.

Ayon sa senador, hindi dapat makalusot ang ilang mga nagsamantala sa nasabing pondo.

Kailangan din umanong amiyendahan ang batas para masiguro na sa energy-related programs lang magagamit ang Malampaya funds.

“Nagkaroon na ng Supreme Court ruling na hindi pwedeng gamitin sa non-energy projects ang pondo pero hindi nasusunod. Kailangan klaruhin na sa batas,” ani Gatchalian.

Una rito, inirekomenda ng Commission on Audit na imbestigahan ang tiwaling paggamit ng Malampaya funds na nalikom mula 2004 hanggang 2015. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?