131

Dec 16, 2017 @ 9:54
By

Balasubas na killer, tiklo

May walong buwan pang nakapagtago bago tuluyang naaresto kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang killer na pumatay sa kanyang pinagkautangan matapos itong singilin ng huli.

Nasa kustodiya ng MPD Warrant Section ang suspek na si Jeffrey Caballes y Dizon, alyas ‘Langgam’, ng Building 29 Balut, Tondo.

Ganap na alas-sais ng gabi nang maaresto ng mga pulis si Langgam nang bumalik ito sa kanilang bahay.

Bitbit ng mga tauhan ng MPD ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Dinnah Aguila-Topacio ng Manila Regional Trial Court Br.42 nang arestuhin si Langgam.

Sa rekord, noong nakaraang Abril 29 ng bandang alas-11:30 ng gabi nang pagsasaksakin ng suspek ang biktimang si Jose Lopez, jeepney driver, ng Building 1 Balut, Tondo sa panulukan ng N. Zamora at Concuera St., sa Tondo.

Nalaman na naniningil umano ng pautang si Lopez kay Langgam pero nagkaroon umano sila ng mainitang pagtatalo. Mula noon hindi na nag-usap ang dalawa at hindi na siningil ng biktima ang utang ng suspek ngunit nang muling mag-krus ang landas ng dalawa ay dito na sinaksak ng suspek ang biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?