70

By

Bala binayad ng natalo sa cara y cruz

Isang tama ng bala sa ulo ang agad na ikinamatay ng 40-anyos na lalaki habang nasa kritikal na kondisyon sa ospital ang kasama nito nang singilin nila ang dalawang di-kilalang lalaki na tumaya at natalo sa cara y cruz sa Quezon City, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ni P/Capt. Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang namatay na biktima na si Roel Intuna, 40, at residente ng Brgy. Payatas, QC.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa East Avenue Medical Center ang kasamahan niyang si Jason Bacolando, 31, electrician, ng nasabing barangay dahil sa tama din ng bala sa ulo.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid D. Tanog ng CIDU-QCPD, ang krimen ay naganap dakong alas-3:15 ng madaling araw (November 17) sa harapan ng No. 10 Rosal St., corner IBP Road, Brgy. Payatas ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng mga nakasaksi sa insidente, naglalaro umano ng cara y cruz sina Mario Tungcayao at Bacolano nang dumating si Intuna, kasama ang dalawang di-kilalang suspek at tumaya sa nasabing sugal.

Subalit ilang minuto pa lamang ang nakalipas ay bigla na lamang silang nakarinig ng mga putok ng baril at doon ay nakitang duguang nakabulagta ang mga biktima, habang mabilis na tumatakas ang mga suspek.

Hinala ng pulisya, posibleng dayaan o onsehan ang motibo sa naganap na krimen, gayunman masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad habang tinutugis pa ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?