41

Oct 13, 2021 @ 19:51
By

Bakunadong dayuhan na negative sa COVID, ligtas sa quarantine

Inalis na ng Inter-Agency Task Force ang quarantine sa mga bakunadong dayuhang papasok sa bansa na nagnegatibo sa RT-PCR test 72 oras bago bumiyahe sa Pilipinas na magiging epektibo sa Oktubre 14, 2021.

Ito ang napagkasunduan sa pulong ng IATF kaugnay sa usapin ng mga pumapasok na mga pasahero sa bansa mula sa mga bansang nasa green lane.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na kailangang mag-quarantine ang dayuhang pasahero subalit kailangang magmonitor ito mg mga sintomas hanggang sa ika-14 na araw pagdating sa bansa.

“For fully vaccinated foreign nationals, a negative RT-PCR test shall be required to be taken within 72 hours prior to the departure from the country of origin. Upon arrival, no facility-based quarantine will be required but the passenger is enjoined to self-monitor for any symptoms until the 14th day,” ani Roque.

Para naman sa mga fully vaccinated na mga Pilipino, maaari silang mamili ng kanilang quarantine facility hanggang sa lumabas ang negatibong resulta ng kanilang RT-PCR test na kinuha pagdating sa bansa.

Pero kung negatibo ang RT-PCR test ng Pinoy sa loob ng 72 oras bago umalis sa bansang pinanggalingan, hindi na ito kailangang sumailalim pa sa quarantine at sa halip ay imonitor ang sarili ng mga posibleng sintomas ng COVID-19 sa loob ng 14 na araw.

Para naman sa mga hindi bakunadong indibiduwal o hindi pa nakakumpleto ng bakuna o kaya ay nabigong makatugon sa requirements bago bumiyahe, obligadong sumailalim sa facility-based quarantine hanggang sa lumabas ang negative RT-PCR test result na gagawin sa ikalimang araw.

Ang mga dayuhang nasa kategoryang ito ay kinakailangang mayroong hotel reservation ng hanggang anim na araw.

Para naman sa mga bata na partially vaccinated subalit ang mga magulang o guardian ay kumpleto na sa bakuna, kinakailangang sumunod sa quarantine protocols na angkop sa kanilang vaccination status at dapat sasamahan sa quarantine facility hanggang sa matapos ang quarantine period.

“Unvaccinated or partially vaccinated minor children traveling with their fully vaccinated parent/s or guardians shall be required to observe the quarantine protocols corresponding to their vaccination status. A parent/guardian shall accompany the child in the quarantine facility for the full term of the latter’s facility-based quarantine period,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?