16

Jul 18, 2021 @ 18:21
By

Bakuna, pondo ibuhos para labanan Delta variant – Robredo

Iminungkahi ni Bise Presidente Leni Robredo nitong Linggo na dalhin ang mga bakuna ng US company na Johnson & Johnson sa mga lugar sa bansa kung saan naitala ang mga kaso ng COVID variant na Delta.

Nitong linggo ay dumating sa Pilipinas ang 3.2 milyon bakuna ng Johnson & Johnson na pinangalanang Janssen. Ito ay one-shot vaccine na donasyon ng US.

Samantala, nitong linggo rin ay kinumpirma ng Health Department na nagkaroon na ng local transmission ng Delta variant sa ilang bahagi ng bansa.

“Unahan na natin ng pagpapabakuna, bilisan para mas marami na ang mabakunahan,” wika ni Robredo.

“Ngayong may easing ng restrictions, dapat yung pag bantay, andun pa din. Ibawal ang mga gatherings na mararami. ‘Di pwedeng maging complacent. Sana, ‘di mangyari ang third surge,” dagdag pa ng bise presidente.

Bukod sa pagtatalaga ng mga bakuna sa mga nangangailangang lugar ay iminungkahi rin ni Robredo sa pamahalaan na bigyan ng sapat na pondo at kagamitan ang mga regional hospital kung saan naitala ang kaso ng naturang variant.

“So sa akin, buhusan sila ng pondo, pandagdag ng capacity, pang sweldo sa dagdag na tao, pambili ng medical equipment na kailangan nila- ventilators, mga oxygen kung ano man ang kailangan. Sana mas bigyan sila ng tulong, in case na sumama ulit,” pahayag nito.

Ayon sa pag-aaral ay ilang beses na mas madaling makahawa ang Delta variant kumpara sa iba.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?