176

Dec 1, 2017 @ 15:10
By

Bakuna kontra dengue, itigil muna – Duque

Ipinahinto na ng Department of Health (DOH) ang programang bakuna laban sa sakit na dengue matapos aminin ng Sanofi Pasteur na ang produkto nilang Dengvaxia ay nagdudulot ng seryosong panganib sa kalusugan ng mga hindi pa tinatamaan ng dengue.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque, suspindido ang anti-dengue vaccination program habang hinihintay pa nila ang magiging rekumendasyon ng World Health Organization (WHO) hinggil sa Dengvaxia.

“Unang-una, ipinahinto muna natin, putting on hold the dengue vaccination program hanggang magkaroon ng recommendation ang expert panel ng World Health Organization (WHO) na sa kasalukuyan ay tinutugunan ang advisory from Sanofi,” saad ni Duque.

Aniya, posibleng sa susunod na dalawang linggo ay lumabas na ang advisory mula sa WHO.

Sinabi pa ng kalihim na inaalam na nila kung ilan ang mga nakabakunahan na hindi pa nagkaroon ng dengue.

“Ang ating surveillance mechanism ay in-place, ating kukunin lahat ng masterlist ng mga nabakunahan,” dagdag ni Duque.

Iginiit pa niya na nais nilang malinawagan kung ano ang tinutukoy ng Sanofi na “severe disease” na maaring danasin ng isang nabakunahan ng Dengvaxia na hindi pa tinatamaan ng dengue.

“They did not specify the severe disease, ang ina-ano natin baka mamaya makakuha tayo ng malinaw na kasagutan ano ba ang severe disease associated. Pero wala naman report on death because of vaccination on children without prior dengue infection,” paliwanag ni Duque.

Iniutos na rin ni Duque ang pagbusisi sa kontratang pinasok ng DOH sa Sanofi at ano ang sirkumstansiya nang malagdaan ang kontrata para matukoy ang posibleng pananagutan ng Sanofi. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?