114
marvic
May 10, 2018 @ 12:53
By

Bakod at gate ng Korte Suprema, sinabitan ng pulang ribbon

Sa bisperas ng inaasahang pagdedesisyon ng Korte Suprema sa quo warranto case ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pula na ang namamayaning kulay sa paligid ng compound ng Kataas taasang Hukuman sa Padre Faura sa Lungsod ng Maynila.

Pula ang kulay na simbolo ng mga opisyal at kawani ng Hudikatura na nananawagan ng pagbibitiw ni Sereno.

Pagsikat ng araw, mabubungaran na ang napakaraming pulang ribbon na isinabit sa gate at bakod ng Korte Suprema sa Padre Faura at Taft Avenue.

Sa abisong ipinabatid ng Supreme Court Employees Association o SCEA, ang araw na ito ay kanilang ikinakasa bilang Red Thursday at bukas na mismong araw ng botohan ay Red Friday.

Sila umano ay naninindigan at nagkakaisa para protektahan ang integridad ng Korte Suprema laban kay Sereno na tinawag nilang sinungaling.

Hindi rin umano sila natitinag sa mapangahas na pagbabalik-trabaho kahapon ni Sereno.

Ayon pa sa SCEA, ipagdarasal nila na ang magiging desisyon ng mga mahistrado ay para sa pananaig ng katotohanan at kabutihan ng Korte Suprema.

“Itampok ang ating pagkakaisa laban sa kasinungalingan at pagsira sa integridad ng atung mahal na institusyon— Ang Kataas-taasang Hukuman. Idalanging ang desisyon ng ating mga mahistrado ay naaayon sa Katotohanan at Kabutihan ng Korte Suprema, Hudikatura at ng buong sambayanang Pilipino,” ang bahagi ng mensahe ng SCEA.

Samantala, bagamat wala namang direktang pagtukoy sa isyung kinakaharap ng Korte Suprema, makikita sa twitter post kaninang hatinggabi ni Associate Justice Marvic Leonen ang mensahe tungkol sa kulay pula.

“Pula ang kulay ng pagibig at ng pandirigma, pulang pula kapag nandirigma ang pagibig. #PutiKapagSumuko,” ang twitter post ni Leonen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?