890
tnt_hontiveros
Dec 7, 2017 @ 15:26

Bakit mahalaga ang magpatest sa HIV?

Dear Senator Risa Hontiveros,

Dapat ba akong magpa-HIV testing kahit wala akong HIV o hindi naman ako sexually-active?

Jojo Marquez
Quezon City
*****
Dear Jojo,

Mahalaga ang HIV testing. Hindi natin ito dapat katakutan o ikahiya. Lalong hindi lang dapat ang sexually-active ang magpa-test. Dapat lahat. At dapat ugaliin natin ang pagpapa-screening gaya ng simpleng pagpunta sa dentista, pagpapatingin ng mata o pagkuha ng inyong blood pressure.

Nakukuha ang human immunodeficiency virus (HIV) hindi lamang sa unsafe sex. Maaari din itong makuha sa pag-gamit ng kontaminadong karayom o hindi ligtas na blood transfusion. Maaari ding mahawa ang baby sa sinapupunan ng isang nanay na HIV-positive.

Wala din itong pinipiling kasarian o sexual orientation at gender identity. Lalake, babae, bakla at lesbiana ay posibleng magkaroon nito kung hindi tayo mag-iingat.

Totoong hindi madaling pag-usapan ang isyu tungkol sa HIV dahil na rin sa mga maling pananaw ukol dito. Matagal ko nang adbokasiya ang pagpapalaganap ng tamang kaalaman tungkol sa HIV. Isa ako sa mga nagnanais na mawala ang diskriminasyon at stigma laban sa mga taong may HIV. Ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ay isang paraan upang hindi matakot ang mga may HIV at kanilang mga kaanak na harapin ang sakit na ito.

Bilang mambabatas, taun-taon ay ginagawa ko ang pagpapa HIV test para lumawak ang awareness ng mga kababayan natin tungkol dito at sa acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) at mawala ang stigma at maling pag-iisip ukol dito.

Kasama nito, isinusulong natin ang Senate Bill No. 376 o ang Philippine HIV-AIDS Policy Bill na nagtutulak sa isang evidence-based, human rights-based na pagtugon sa isyu ng HIV-AIDS.

Kailangan natin ang batas na ito lalo na ngayon na 33 porsyento lamang sa mga HIV positive na Pilipino ang naka-enroll sa treatment programs ng pamahalaan dahil sa pagkatakot ng karamihan sa diskriminasyon. At ang masakit, sa 42,283 na may HIV sa bansa, 11,550 dito ay mula sa mga kabataang edad 15-24 gulang.

Kadalasan, ang panglalait at ang diskriminasyon ang posibleng rason kung bakit ayaw magpa-test ng iba at ayaw humingi ng mga libreng tulong mula sa gobyerno o sa mga non-government organizations (NGOs). Kailangan nila ang ating suporta, pang-unawa at pagmamahal. Lahat tayo ay may karapatang mamuhay ng panatag at payapa. Suportahan po natin sila.

Panghuli, kung alam mo na ikaw ay at-risk sa HIV infection, magpa-test ka na. At para sa mga may HIV, agaran po kayong kumuha ng treatments sa ating government treatment centers. May mga NGOs din po na tumutulong sa mga pasyenteng HIV positive.

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?