137

Jan 21, 2021 @ 16:32
By

Bakit armado ng baril? Renato Reyes duda sa pagtatanim ng AFP sa UP

Kinuwestiyon ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes ang naging aktibidad ng mga sundalo sa Unibersidad ng Pilipinas matapos putulin ang UP-DND accord,

Nitong Miyerkoles ay nagtungo sa UP ang dalawang truck na may sakay na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para umano inspeksyunin ang gardening project ng kasundaluhan sa naturang paaralan.

Saad ni Reyes sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Politiko Live, mukhang makikipag-giyera umano ang mga sundalo dahil armado ang mga ito ng mga matataas na kalibre ng baril.

“Sa mga pictures na nakita namin, ang mga dala ng sundalo hindi naman gardening tools kundi naka-mahahaba no,” giit ni Reyes.

“Kung gusto mong magtanim sa komunidad, bakit ganon ang itsura? Hindi naman mukhang magtatanim, mukhang makikipag-giyera,” aniya pa.

Tingin ni Reyes, nagtungo ang AFP sa naturang unibersidad para manakot sa pagkakabasura ng kasunduan na magbabawal sa mga sundalong pumasok sa UP.

“Is that really necessary o ang message nila ay manindak ng mga members of community?” tanong ni Reyes.

Depensa ni Major General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP, ang pagbisita ng mga sundalo sa UP ay pagpapakita na hindi kalaban ng militar ang unibersidad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?