8,659

Dec 15, 2017 @ 14:41
By

Baking soda, nakakaganda?

Alam n’yo bang may kakaibang powers na taglay ang simple at hindi mo inaakalang baking soda. Malaki po ang naitutulong ng paggamit ng baking soda hindi lang sa bahay kundi sa paggamot na rin ng sakit o maging pampa-beauty na rin.

Bukod sa mura ay madali pang mahanap ang baking soda, ang ordinaryong baking soda na mabibili sa mga supermarket ay mabisang solusyon.

Ang baking soda ay tinatawag na sodium bicarbonate. Isa itong alkaline substance na kumokontra sa mga acidic na kemikal. Kaya naman, naghanap po kami ng mga tamang gamit ng baking soda na tiyak na kagigiliwan ng lahat ng mambabasa.

Bilang pampaputi ng ngipin, gawin itong toothpaste — Kung wala kayong pambili ng toothpaste, gumamit na lang ng baking soda bilang toothpaste. Medyo maalat lang po. Puwede mo ring lagyan ng konting baking soda ang iyong toothpaste. Dahil maganit ang texture ng baking soda, natatanggal nito ang dumi at napapaputi ang ngipin.

Kung alanganin sa amoy ng hininga — Ang baking soda ay magagamit bilang mouthwash. Para maging mabango ang iyong hininga, maghalo ng isang kutsaritang baking soda sa kalahating baso ng tubig. Imumog ito sa bibig na parang mouthwash.

Panglinis ng mga pustiso, retainers at mouth guards — Epektibong panglinis ng pustiso ang baking soda.

Mainam din na gamot sa bungang-araw, kagat ng insekto o sa mga kati-kati sa balat ang paggamit ng baking soda. Gumawa ng isang baking soda ‘cream’ sa pamamagitan ng paghalo ng tatlong kutsaritang baking soda at isang kutsaritang tubig. Ilagay itong cream sa apektadong balat. Habang natutuyo ang cream, hinihigop nito ang ‘kamandag’ ng insekto at mababawasan ang kati.

Para sa sunburn — Mabisa ang baking soda sa pag-alis ng kirot ng sunburn. Maghalo ng dalawang kutsarang baking soda at dalawang basong tubig. Ilubog ang tuwalya dito at itapal sa iyong sunburn. Puwede ka ring maglublob sa isang bathtub ng baking soda. Maghalo ng isang tasang baking soda sa mainit na tubig sa bathtub. Magbabad ng 20-30 minuto.

Para manumbalik ang kintab ng iyong buhok, maglagay ng isang kutsaritang baking soda sa isang sachet ng shampoo. Ihalo ito at gamitin na parang regular na shampoo. Banlawan ang buhok nang maigi.

Panglinis ng mukha — Kung gusto mo ng panglinis ng mukha (parang facial), maglagay ng baking soda sa tubig sa palanggana. Maghilamos dito para matanggal ang dead skin cells. Kikinis ang iyong mukha.

May isa pang natural na facial. Maghalo ng dalawang kutsaritang oatmeal (piliin ang pino), isang kutsaritang baking soda, isang kutsaritang honey, at konting tubig para makagawa ng isang madikit na solusyon (parang paste). Itapal ito sa mukha at hayaan ng 15 minuto. Maghilamos at tingnan ang iyong mukha sa salamin.

Para sa tagihawat — Gumawa ng isang cream ng baking soda sa pamamagitan ng dalawang kutsarang baking soda at isang kutsaritang tubig. Ilagay ito sa mga tagihawat at hugasan ang mukha pagkaraan ng isang minuto.

Para sa kalyo sa paa at siko — Maghalo ng apat na basong mainit na tubig at apat na kutsarang baking soda. Ibabad ang paa, siko o kamay ng 10 minuto. Papakinisin ng baking soda ang iyong magaspang na balat. Kung may kalyo ka, puwede mong masahihin at palambutin ito ng baking soda cream. Maghalo ng tatlong kutsaritang baking soda at isang kutsaritang tubig.

Para sa mabahong sapatos at may alipunga — Maglagay ng konting baking soda sa loob ng mabahong sapatos at rubber shoes. Maa-absorb ng baking soda ang pawis at amoy ng sapatos. Mas hindi rin tutubo ang mga fungus sa sapatos.

Kung ika’y may alipunga (athlete’s foot), ibabad ang paa sa isang solusyon ng sukang puti at tubig. Maghalo ng isang basong sukang puti at isang basong tubig. Ibabad ang paa ng 15 minuto, dalawang beses sa maghapon. Pagkatapos ay lagyan ng konting baking soda ang mga pagitan ng daliri sa paa para hindi magpawis.

Bilang pabango — Puwedeng gamitin ang baking soda para sa kili-kili. Konti lang ang ipahid mo. Kung gusto mo ng basang deodorant, maghalo ng sapat na baking soda sa 70% rubbing alcohol. Ilagay ito sa isang spray bottle at gamitin na parang deodorant. Tanggal ang anghit mo.

Marami pa pong mga gamit at benepisyong maidudulot ng baking soda sa atin kaya huwag po nating balewalain ito lalo na kung nais ninyong makatipid. Tandaan na ang simpleng sangkap na gamit ay sangkatutak ang magagawa. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?