35

Jun 23, 2022 @ 18:38
By

Bakbakang Guanzon, Cardema tuloy pa rin

Matapos manumpa sa tungkulin bilang kinatawan ng P3PWD party-list sa Kamara de Representantes, ibinunyag ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na sasampahan nito ng reklamo si National Youth Commission chairperson Ronald Gian Cardema sa Lunes.

Ayon kay Guanzon, ‘moot and academic’ na ang petisyon na inihain ni Cardema at misis nitong si Duterte Youth party-list Rep. Ducielle Marie Cardema laban sa kanyang pag-upo bilang kinatawan ng P3PWD matapos ang kanyang panunumpa.

“Wala na, kasi ang TRO (temporary restraining order) ay sinasabi niyang may abuse of discretion ang Comelec kaya dapat ipahinto ng Supreme Court hindi naman pwedeng ipahinto na ‘yun tapos na kumbaga moot na, moot and academic. Hindi ko naman po pinangungunahan ang Supreme Court pero yan naman po lagi ang nababasa natin sa mga desisyon,” sabi ni Guanzon.

Kung gusto umano ng mag-asawang Cardema ay dalhin ang kaso sa House of Representatives Electoral Tribunal.

Nagpasalamat si Guanzon sa mga sumuporta sa kanya kasama na ang mga kakampink na nakapagbigay umano ng malaking boto sa P3PWD.

“Nakakuha po ang P3PWD ng 391,000 votes na ang minimum lamang sa isang seat ay 235,000 votes malaking boto po talaga ang nabigay sa akin ng mga kakampink kaya salamat po sa inyo,” sabi pa nito.

Nangako si Guanzon na magseserbisyo ng tapat at umaasa na magiging produktibo ang kanyang unang termino.

Samantala, sinabi ni Guanzon sa isang panayam na maghahain ito ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay NYC chairperson Cardema sa Lunes.

“Kasi di ba ano siya opisyal siya, Undersecretary sya eh ng National Youth Commission ginagamit pa nya yung official government time nya para lang sirain ako eh tsaka personal yung mga atake nya, meron Code of Ethics tayo eh yun yung nilabag nya,” paliwanag ni Guanzon na ang tinutukoy ay ang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?