158

Jul 25, 2018 @ 11:49
By

Bakbakan sa pagiging minorya, sunod na aabangan sa Kamara

Kasunod ng pagpapalit ng liderato sa Kamara, inaasahang pag-aagawan din ang minority leadership.

Si dating House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, kinausap na raw si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para makuha ang pagiging minorya.

Pinayuhan naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice si Speaker GMA na huwag tularan si dating Speaker Pantaleon Alvarez na bumuo ng umano’y pseudo o pekeng minority group.

Hindi pa nalinaw ngayon kung sino-sino ang bubuo ng minority bloc sa Kamara sa ilalim ng bagong liderato makaraang bumoto rin kay GMA ang minority congressmen.

Sabi ni Erice, hindi katanggap-tanggap na maging minorya ang PDP-Laban faction ni Alvarez dahil miyembro din ng PDP-Laban si GMA.

“Where in the world can you find a parliament where the majority leader and the minority leader belongs to the same political party. Its a mockery of the legislative process which is supposed to guarantee check and balance,” diin ni Erice.

“GMA should not allow this, as a veteran parliamentarian and former president, she has the responsibility to protect the real minority, otherwise this Congress will be the same as the rotten Alvarez house which we ousted,” dagdag ng kongresista.

Sa ilalim ng panuntunan, ang mga nag-abstain o hindi bumoto sa nahalal na Speaker ang bubuo ng minorya at sila ang pipili kung sino ang kanilang magiging lider.

Pero ang minority congressmen na pinamumunuan ni Danilo Suarez na bumoto kay GMA ay gustong manatili sa minorya kaya susulat daw sa Speaker para mag-manifest.

Nag-abstain naman ang mga taga-Liberal Party pati ang Makabayan bloc.

Ang LP congressmen, may intensiyon na maging minority bloc pero ang Makabayan bloc ay gustong manatiling independent bloc.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?