278

Mar 2, 2021 @ 19:23
By

Bakbakan ng Velasco, Cayetano camp umiinit

Lalong uminit ang palitan ng salita sa pagitan ng kampo ni Speaker Lord Allan Jay Velasco at pinalitan nitong si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.

Sinabi ng mga lider ng Kamara de Representantes na nag-boomerang ang nais ni Anakalusugan Rep. Michael Defensor na kaladkarin si Velasco sa isyu ng inilipat na P20 bilyong pension and gratuity fund para sa mga unipormadong tauhan ng gobyerno.

“Their unfounded allegations against Speaker Velasco boomeranged to them when it turned out the current problems faced by uniformed retirees was brought about by the more than P70 billion deducted from the 2020 PGF budget during Cayetano’s time,” ani Senior Deputy Speaker Salvador Leachon.

Para kay Leachon malinaw ang sinabi ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap na walang hindi mabibigyan ng pensiyon at benepisyo sa pag-alis ng P20 bilyong budget sa ilalim ng 2021 national budget.

Nauna nang sinabi ni Defensor na nagrereklamo ang Department of Budget and Management (DBM) sa ginawang pagbawas sa budget na hindi ipinaalam sa kanila bago ipasa ang budget.

Ayon kay Defensor, nalaman lamang ng DBM ang tapyas budget matapos itong pirmahan ni Pangulong Duterte.

Sinabi naman ni Yap na P70 bilyon ang binawas ng Kamara sa ilalim ng 2020 national budget sa pensyon noong si Cayetano ang Speaker.

Sagot naman ni Defensor, hindi nito alam kung nag-usap noon ang DBM at Kamara sa pagbawas ng P70 bilyon subalit hindi umano nito narinig na nagrereklamo noon ang Budget department, hindi tulad ngayon.

Inako naman ni Yap ang responsibilidad sa paglilipat ng P20 bilyong pondo at sinabi na walang alam dito si Velasco.

Nagtataka naman si Defensor kung bakit hindi alam ni Velasco ang mga nangyayari sa budget gayong siya ang pinakamataas sa Kamara.

Ayon naman kay Deputy Speaker at Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, nais pagmukhaing masama ng kampo ni Cayetano si Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte na pinapahalagahan ang pensiyon ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno.

Sinabi naman ni Deputy Speaker at Buhay Rep. Lito Atienza na pagbabalatkayo ng kampo ni Cayetano.

“Umaalma sila sa binawas na P20 billion na napunta naman sa COVID-19 response ng gobyerno pero ‘yung P70 bilyon at kabuuang P209 bilyon na tinapyas nila sa 2020 national budget e okay lang sa kanila,” ani Atienza.

Sinabi naman ni Defensor na hindi totoo na napunta ang P20 bilyon sa pambili ng COVID-19 vaccine.

Aniya, nanatili sa P2.5 bilyon ang pondo na pambili ng bakuna dahilan kung bakit kinailangang umutang ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?