135

By

Baka pagbalingan mga OFW: Pagputol sa ugnayan ng PH sa Iceland, nakabitin

Hindi pa nakapagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte kung tuluyang puputulin ang ugnayan sa Iceland matapos pangunahan ang pagpapaimbestiga sa war on drugs ng gobyerno sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).

Sinabi ng Pangulo na isinaalang-alang nito ang kapakanan ng may 2,000 Pilipino na nagtatrabaho sa Iceland kaya seryosong ikinukunsidera nito ang mungkahing tapusin na ang ugnayan sa nabanggit na bansa.

“I’m seriously considering because it might affect the relations between our citizens and the host country,” anang Pangulo.

Baka hindi aniya magustuhan ng Iceland ang maging aksiyon ng gobyerno at pagbalingan ang mga Pinoy na nasa kanilang bansa.

Kapag aniya kinanti ang mga Pilipino sa Iceland dahil sa isyu, sinabi ng Pangulo na hindi niya papayagang mangyari ito.

“They might not like the way we behave towards them and so it would prompt them to take measures. I hope they do not have to do it because I will not also take it sitting down,” dagdag ng Pangulo.

Bagama’t kumambiyo na si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa mungkahing putulin na ang ugnayan sa Iceland, sinabi ng Pangulo na ang huling desisyon ay manggagaling sa Office of the President.

Naitatag ang relasyon ng Pilipinas at Iceland noong 1999 at naging trade partners sa larangan ng maritime, mining, renewable energy, medical services, fisheries at geothermal energy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?