17

Jun 11, 2021 @ 15:08

Baka hulihin! Paglabas ng mga bakunadong senior, ipaalam sa mga tanod

Dapat umanong tiyakin ng gobyerno na alam ng mga barangay tanod at iba pang tagapagpatupad ng batas ang bagong polisiya na pinapayagan ng lumabas ang mga senior citizen na tapos ng bakunahan laban sa COVID-19.

Ayon kay House Committee on Senior Citizens chairperson Rodolfo Ordanes madalas nagkakaroon ng problema kapag hindi alam ng nagpapatupad ang polisiya.

“Nagkakaproblema kasi kapag hindi updated at aware ang barangay officials at tanod. Naiipit ang mga senior at iba pang mamamayan. Gaya nung nangyari sa isang barangay na pinagtalunan pa kung essential o non-essential ang lugaw, kung pwede o hindi ang delivery riders. Sana hindi na maulit yun,” sabi ni Ordanes.

Nagpasalamat naman si Ordanes sa pakikinig ng National Task Force Against COVID-19 sa panawagan ng mga senior citizen.

“Magiging masaya na ang mga senior sa desisyong payagan na silang lumabas ng bahay. Gaganahan at mamo-motivate nang magpabakuna ang iba pang mga seniors,” dagdag pa ng solon.

Nanagawan din si Ordanes sa mga tagapagpatupad ng batas na kausapin ng maayos at huwag pagalitan o sigawan ang mga senior at iba pang hindi nakasuot o walang suot na face mask o face shield.

“Nagkakadiprensiya kasi kapag pa-siga-siga ang mga nagpapatupad. Hindi kailangang daanin sa galit o dahas ang pagpapatupad ng health protocols,” wika pa nito.

Sa ilalim ng bagong polisiya, maaari ng lumabas ang mga senior citizen na nakatanggap na ng ikalawang dose ng bakuna sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ.

Kailangan namang magpresinta ng vaccination card ang senior citizen kung kakailanganin. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?