4
spy-on-the-job-rey-marfil
By

Baka adik sa DOTA, hindi sa droga?

Sharing is caring!

Ano kayang masamang hangin ang naamoy ng mga taga-Philippine Drug Enforcement Agency at naisipan nilang imungkahi na ipa-drug test ang mga elementary student na nasa Grade 4 pataas, o edad sampu pataas.

Ang matindi pa nito, hindi voluntary o kusa, at hindi rin random o pipiliin lang ang mga batang ipapa-drug test kung hindi ‘mandatory’ o sapilitan.

Ibig sabihin, kahit ang mga bata na walang kamuwang-muwang tungkol sa droga ay magkakaroon na ng kaisipan tungkol dito. Ang masaklap pa nito, papaano mo ipaliliwanag sa bata na edad sampu o onse o dose [hindi pa teenager] na hindi siya pinaghihinalaang adik kaya siya ipapa-drug test? Puwede kayang sabihin ng magulang sa kaniyang anak na kailangan niyang mag-drug test dahil kaila­ngan niyang patunayan sa PDEA na hindi siya adik? Bakit?

Ang sabi ng PDEA, may mga nahuhuli raw silang elementary student na gumagamit ng droga at nagtutulak ng droga. Ang tanong ng ating kurimaw na elementary lang ang inabot, ilan o gaano karami ang nahuli nilang elementary student kung totoo ang sinasabi nila? Isa? sampu ba? Isangdaan kaya o isang libo? Aba’y kung isa, dalawa o kahit sabihin pang 100, na tiyak na malabo, aba’y bakit kailangan mong idamay ang lahat ng batang nag-aaral sa elementarya? Ayon sa isang opisyal ng Department of Education, nasa 14 milyon ang mga nasa Grade 4 hanggang Grade 12. At kung masusunod ang gusto ng PDEA na ipa-drug test silang lahat, aba’y tiba-tiba ang supplier ng drug test kit dahil sa P200 bawat isa na gastos sa bawat estudyante, aabot umano sa P2.8 bilyon ang kakaila­nganing pondo nito.

Ayaw isipin ng ating kurimaw na iyon ang naamoy na dahilan ng PDEA. Ang isa pang masaklap, sabi ng isang opisyal ng DepEd, kung ipipilit ng PDEA ang gusto nilang mandatory drug test sa mga elementary student, kailangan munang amyendahan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dahil batay sa naturang batas, ang mga estudyante lang sa high school at college ang pinapayagang isailalim sa drug test at hindi pa iyon sapalitan. Susme, hindi ba alam ng opisyal ng PDEA ang sa­rili nilang batas? Kung nais talaga ng PDEA na matulungan ang mga batang nasasangkot sa droga, ang dapat nilang gawin ay ubusin ang mga nagbebenta at pinagmumulan ng droga.

Kung mayroong user o pusher na nadakip, bakit hindi ang mga miyembro ng naturang pamilya ang ipa-drug test para malaman kung sino sa kanila ang dapat ipa-rehab.

Sa halip na mga batang tumutulo pa ang uhog ang sapilitang ipa-drug test, dapat unahin muna ng PDEA na ipasuri ang lahat ng mga driver ng mga pampublikong sasakyan lalo na ang mga bumibiyahe sa gabi. Isama na rin ang ibang manggagawa na pang-umagahan ang duty dahil sila ang kailangan ng panlaban sa antok. O bakit hindi kaya unahin ang lahat ng mga politiko — mula kagawad ng barangay hanggang pangulo.

Hindi ba dapat ang mga ito muna ang unahin nila kaysa pag-initan ang mga bata na mas adik sa paglalaro ng mga gadget at internet game o DOTA pero hindi sa droga. Laging tandaan: “Bata mo ako at Ako ang Spy niyo”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?