300

Oct 26, 2017 @ 17:03

Bail petition ni Gigi Reyes, sinimulan na ng Sandiganbayan

Sinimulan nang dinggin ng Sandiganbayan Third Division ang hirit ni Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni dating senador Juan Ponce Enrile, na makapagpiyansa sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.

Si Reyes ay kapwa akusado sa kaso ni Enrile.

Personal na humarap si Reyes sa korte para sa kanyang bail hearing.

Unang testigo na iniharap ng prosekusyon ang whistleblower na si Benhur Luy.

Hindi na isinalang sa direct examination si Luy dahil napagkasunduan ng depensa at prosekusyon na ang testimonya nito sa bail hearing ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles ay i-adopt na lamang para sa bail hearing ni Reyes.

Agad namang isinalang ng abogado ni Reyes na si Atty. Anacleto Diaz si Luy sa cross examination.

Muling umamin si Luy na nameke siya ng mga pirma sa mga dokumento ng mga proyektong pinondohan ng pork barrel pero sa utos lamang aniya ito ni Napoles.

Inamin din nito na hindi niya nakitang lumagda sa anumang memorandum of agreement para sa implementasyon ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) projects si Reyes. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?