254

Oct 31, 2017 @ 14:02

Bail petition ng 2 suspek sa Enzo Pastor slay, ibinasura

Ibinasura ng hukuman ang petisyon na makapagpiyansa ang dalawang suspek sa pagpatay sa race car driver na si Ferdinand Enzo Pastor.

Kamakalawa ng hapon nang desisyunan ni Quezon City Judge Juris Callanta ng RTC Branch 215 ang bail petition nina Edgar Angel at Domingo Sandy de Guzman.

Si Angel, na isang pulis, ang itinuturong pumatay kay Pastor sa Quezon City noong Hunyo 12, 2014 samantalang si De Guzman naman ang sinasabing umupa sa kanya.

Samantala, si Dalia Pastor, ang misis ni Enzo na may warrant of arrest na para sa kasong murder, ay hindi pa kasama sa petisyon dahil patuloy pa ang paghahanap sa kanya.

May ulat na si Dalia ay nakapag-asawa ng maimpluwensiyang tao sa Indonesia kaya’t hirap ang awtoridad na matunton ito.

Ayon naman kay Boy Evangelista, ng Volunteers Agains’t Crime and Corruption (VACC), sinabi nito na ang desisyon ng korte ay patunay lang na matibay ang ebidensiya laban kina Angel at De Guzman.

Samantala, naipaalam na rin aniya sa mga magulang ni Enzo na sina Tom at Remy Pastor ang desisyon ng korte at labis na natuwa ang mag-asawa. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?