1,572

By

Bahay bumigay, 6 nag-iinuman patay

Sharing is caring!

Nagwakas sa trahedya ang masayang inuman ng anim na magkakapitbahay matapos na matabunang buhay sa ginagawang gumuhong bahay sa Quezon City.

Kinilala ni Police Inspector Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang mga nasawi na sina Ryan Tolibas Rigueros, 31, hauler, may-ari ng ginagawang bahay; Benito Naredo Anora, 45, construction worker; Nilo Joseco, Manguso, 48, may asawa, security guard; Rey Berbon Diestro, 23, binata, helper, ng Gaya-Gaya, Brgy. Bahay Toro, Proj 8; Donald Conde, biyudo, construction worker, at Johny Surbida Gabin, 52, tinsmith ng Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro.

Agad namang isinugod sina Rigueros, Anora, Manguso, Diestro, Conde at Gabin sa Quezon City General Hospital subalit idineklara silang dead-on arrival ng attending physician na si Dr. Abdulaziz Macala.

Inoobserbahan naman sa nasabing ospital ang dalawa pang biktima na sina Efren Milan Ceroma Milan, 48, obrero, ng Sta. Maria St., Bry. Holy Spirit, QC, at Fredelito Ubias Rigueros, 56, may-asawa, taxi driver at residente ng Seminary Road Sitio Bathala ng nasabing barangay.

Batay sa inisyal na report, ang insidente ay nangyari dakong alas-9:30 ng gabi (December 14) sa ginagawang dalawang palapag na bahay na pag-aari ni Rigueros sa sa Seminary Road, Sitio Bathala, Brgy. Bahay Toro, Project 8 sa nasabing lungsod.

Matapos ang maghapong pagkukumpuni ay nagkayayaan umano ang mga manggagawa na mag-inuman sa ikalawang palapag subalit makalipas lamang ang ilang oras ay bigla na lamang gumuho ang bahay.

Hindi na nagawa pang makatakbo ng mga biktima dahil sa mabilis na pagguho at kasabay silang nahulog sa katabing ilog at natabunan ng mga bato at iba pang debris.

Hinala ng pulisya, posibleng dahil sa maghapong pag-ulan ay lumambot ang lupang kinatitirikan ng bahay, kung saan ay nasa tabi lamang ito ng ilog, dagdag pa na ang mga nakitang bakal nang ginagawang bahay ay pawang kinakalawang na.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?