47

Jun 15, 2020 @ 18:14
By

Bahagi ng NLEX Harbor Link, binuksan na

Binuksan na sa publiko ang mahigit dalawa at kalahating kilometrong elevated expressway ng North Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link C3-R10 segment.

Ang seremonya ay pinangunahan ng mga opisyal ng gobyerno, at si Executive Secretary Salvador Medialdea ang kumatawan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa okasyon.

Sa kanyang maiksing mensahe, ipinaabot ni Medialdea ang pagbati sa Metro Pacific, NLEX at Department of Public Works and Highways dahil sa kabila ng suspensyon sa trabaho dahil sa COVID-19 ay nagawa pa ring matapos ang proyekto.

“I would just like to congratulate the Metro Pacific, NLEX, and DPWH for this simple but significant event. Lumiliit na po ang Metro Manila,” ani Medialdea.

Pinuri naman ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ang mabilis na paggawa sa proyekto kahit mayroong community quarantine.

Ang bagong Harbor Link ay inaasahang magpapabilis sa biyahe ng mga motorista na papasok at lalabas sa Norte.

Sinabi ni Andanar na ang katatapos na proyekto ay isa sa mga mahalagang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?