102
marcos highway
Feb 24, 2018 @ 9:59
By

Bahagi ng Marcos Highway, isasara para sa konstruksyon ng LRT

Simula bukas (Pebrero 25) ay isasara ang west at east bound lanes ng Marcos Highway para bigyan daan ang konstruksyon ng platform ng Light Rail Transit (LRT) 2.

Ito ang abiso kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motoristang bumabagtas sa kahabaan ng Marcos Highway upang hindi maabala sa trapiko.

Sa pakikipagpulong ng MMDA sa kontraktor ng LRT 2, ipinahayag ni MMDA general manager Jojo Garcia, na simula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw ay isasara sa mga motorista ang west at east bound lanes ng Marcos Highway.

Nabatid na araw ng Linggo, Lunes, Huwebes at Biyernes ay sarado ang west bound lane ng Marcos Highway sa nabanggit na mga oras.

Pag Martes, Miyerkoles at Sabado ay sarado naman ang east bound lane sa nasabi pa ring mga oras.

Hanggang buwan ng Oktubre ng taong kasalukuyan ito magtatagal.

Ito ay para sa platform ng Emerald Station ng LRT 2.

Ang hakbangin ng MMDA at kontraktor ng LRT 2 ay upang huwag maabala ang publiko at hindi gaanong matrapik.

Dahil sa nasabing mga oras ay mas kaunti aniya ang volume ng sasakyan na bumabagtas sa Marcos Highway.

Base sa datos ng MMDA, nasa 58,000 sasakyan ang dumadaan sa Marcos Highway kada araw, isang way lamang ito.

Sinabi pa ni Garcia, na magpapatupad din sila ng zipper lane sa naturang lugar at maglalagay ng mga signage na magiging gabay ng mga motorista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?