59

Dec 22, 2017 @ 12:11
By

Bagyong Vinta, hindi welcome sa Davao – Duterte

Dahil hindi sanay na dalawin ng bagyo, hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na sana huwag manalasa ang bagyong Vinta sa Davao City.

Ayon sa Pangulo, bibihirang bagyuhin ang lungsod at huling natandaan nitong nagkaroon ng malakas at mapaminsalang bagyo ay taong 1969.

Hindi aniya sanay ang mga Davaoeño na nababayo ng kalamidad at baka hindi kayanin ng kanyang anak na alkalde ang epekto ng bagyong Vinta.

“Ngayon na lang itong dumating na for the rare times in my life, the last destructive typhoon was in 1969. Kanina pa ako nagdadasal at nagmumura nitong bagong typhoon na ‘to. Tell him that he’s not welcome here… ‘yan ang problema diyan,” ang pahayag ng Pangulo.

Sa dinaluhang aktibidad ng Presidente noong Huwebes ng hapon sa Sasa Wharf sa Davao City ay hindi siya pinayagang magtagal ng kanyang mga security aide dahil sa masamang panahon.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na sanay ang mga taga-Davao na walang bagyo kaya tiyak na wasak ang mga kabahayan kapag dinaanan ng malakas na hangin ng bagyo.

“Masyadong vulnerable tayo dito. And because we have been used to that kind of set up na walang bagyo so very fragile ang mga bahay diyan. Pagka maximum winds of something like 70, wasak lahat ‘yan,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?