53

Dec 16, 2017 @ 15:39

Bagyong Urduja babayuhin ang Visayas hanggang Martes

Hanggang Martes pa umano ng susunod na linggo mananatili sa bansa ang bagyong Urduja na mabagal ang pagkilos kaya inaasahang magbababad ito sa Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kung hindi magbabago ang takbo ay inaasahang babayuhin nito ang Samar at tatawid sa Masbate, Panay at Palawan na magdudulot ng malalakas na pag-uulan hanggang Martes at tuluyang lalabas ng bansa sa araw ng Miyerkoles.

Ang Samar ang inaasahang magiging sentro ng bagyo kaya patuloy na makakaranas ng masungit na panahon, kung saan taglay nito ang malakas na hangin na kayang sumira ng bubong o kabahayan na gawa sa light materials, mga puno na kayang baliin ang sanga, kaya’t pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente.

Pinapayuhan din ang mga nakatira sa coastal area lalo sa Northern at Eastern Samar na dapat maging handa sa storm surge gayundin sa pagkakaroon ng flashfloods at landslides.

Tatawirin ni ‘Urduja’ ang Masbate sa Linggo ng umaga at hindi umano ito hihina. Magpapaulan din ito sa Northern Panay kasama ang mga probinsiya ng Aklan, Capiz, Antique hanggang sa Lunes ng hapon kung saan patungo ito sa Palawan.

Miyerkoles ng umaga pa inaasahan na tuluyan itong makalalabas ng PAR.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?