36
domeng1

Bagyong Domeng napanatili ang lakas patungong PHL Sea

Patuloy sa paggalaw patungong karagatan ng Pilipinas ang Tropical Depression Domeng.

Napanatili nito ang kanyang lakas ngayong Miyerkoles, Hunyo 6.

Hindi man inaasahang magla-landfall, posibleng lumakas mula sa tropical depression tungo sa tropical storm si “Domeng” sa Biyernes.

Sa 11 a.m. bulletin, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, na ang sentro ni “Domeng” ay namataan sa 805 kilometro ng silangan ng Catarman, Northern Samar.

May lakas ito ng hangin na 45 kilometro kada oras at pagbugsong 60 kph.

Inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility si “Domeng”, Linggo ng umaga.

Magdadala si “Domeng” ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas at Bicol region.

Palalakasin din nito ang “habagat” o southwest monsoon, na magdadala naman ng malakas na pag-ulan sa Mimaropa at Western Visayas simula Huwebes at sa kanlurang bahagi ng Luzon sa Biyernes.

Samantala, sinabi ng PAGASA na posibleng ideklara na nila ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan ngayong linggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?