185

Oct 12, 2021 @ 21:16
By

Baguilat bumuwelta kay Erice: Gusto leadership na pang-trapo

Binuweltahan ni dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat ang dating kapartido na si Caloocan Rep. Edgar Erice kaugnay ng mga pahayag nito laban kay Vice President Leni Robredo.

Sinabi ni Baguilat, kandidato sa pagkasenador ng Liberal Party na pinamumunuan ni Robredo, na mayroong mga tao na ang hanap ay ang pamumuno ng mga trapo o traditional politician.

“May mga tao na ang hanap ‘yung leadership na pang-trapo; ‘yung leadership ng makinarya at pera na magagamit para sa pansariling ambisyon,” sabi ni Baguilat sa isang video na ipinost sa Facebook.

Hindi pinangalanan ni Baguilat si Erice pero batay sa titulo ng video, ito ay sagot ni Baguilat sa dating taga-LP na nagbigay ng pahayag laban sa partido.

Sinabi ni Baguilat na iba ang lideratong iniaalok ni Robredo at ang inuuna umano nito ay ang kapakanan ng bansa.

“Ang leadership ni VP Leni iisa lang ang tuon: Ano ba ang mabuti para sa bansa? Nakita naman natin noong Thursday ‘yung tremendous and overwhelmingly positive response ng taumbayan sa leadership na interes lang ng bayan ang inuuna. ‘Yan ang totoong leadership; a leadership that inspires,” sabi pa ni Baguilat.

Sa pakikipaglaban umano sa bulok na politika, kailangan ng malinaw na paninindigan at prinsipyo.

“Sabi nga ni Ma’am: Kung hindi mo man lang kayang sabihing mali ang mali, nakaninong panig ka ba talaga? Malinaw ang panig ni VP Leni— sa panig ng taumbayang gustong wakasan ang gutom, paghihirap, at kamatayan. Kailangan itong palitan ng isang matino, mahusay, at may prinsipyong pamamahala,” dagdag pa ni Baguilat.

Samantala, sa isang post sa Twitter, sinabi ni Baguilat na pakiramdam niya siya ay nahudas sa ginawa ni Erice.

“Cong. Egay Erice we fought for our principles for 3 years in the opposition. We were harassed, tinanggalan ng pondo, pinahirapan. But we persevered, inspired by VP Leni’s leadership. Now, selling your soul for 20 pcs. of silver?” sabi ni Baguilat sa post.

Si Erice ay umalis na sa LP at tumawid sa Aksyon Demokratiko na nagsusulong sa pagkapangulo ni Manila Mayor Isko Moreno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?