102

By

Bagong uupong AFP Chief tututukan ang pagdurog sa rebelyon

Bibigyang-tuon umano ng bagong-uupong Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff ang pagdurog sa insurgency o rebelyon.

“Ang pinaka-critical factor kasi ngayon is how to bring in everybody onboard against this fight kasi hindi pwedeng ‘yung Armed Forces lang or ‘yung local government units natin ang lumalaban sa problemang ito; it has to be the whole country, the whole nation. This is a national problem, so we have to address this as a people, collectively, para talaga magkaroon ng katahimikan sa bansa natin.”

Ito ang sinabi ni Central Command Commander Lt General Noel Clement matapos lumutang ang kanyang pangalan bilang kapalit ni AFP chief Gen. Benjamin Madrigal sa pagreretiro nito sa susunod na linggo.

Pero nilinaw ni Lt. Gen. Clement na hindi naman nito pababayaan ang ilan pang importanteng isyu na kailangang tutukan, partikular na ang kampanya kontra terorismo at ang territorial defense.

“Pero hindi ibig sabihin pababayaan mo yung campaign terrorism, territorial defense, etc. Well, they are continuing programs na kasi sa mga ‘yun and some of them are going to take long term, like yung territorial defense natin, we still have to develop the capability. So medyo ipagpatuloy natin yung modernization program natin para ma-address natin yun,” dagdag ng uupong AFP chief of staff.

Si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nagsabi na si Clement ang napili ng Pangulo mula sa listahan ng mga heneral na isinumite ng Board of Generals, at hinihintay na lang ng Department of National Defense ang kanyang appointment papers.

Wala pa mang opisyal na anunsyo ang Malakanyang, nagpahayag na ng pasasalamat si Clement sa pagtitiwala umano ng Pangulo.

Tiniyak din ng opisyal na gagawin niya ang lahat para umano matapos ang problema sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa lalong madaling panahon.

Sisikapin umano niyang makuha ang suporta ng lahat ng sektor sa kampanya kontra sa mga komunista, alinsunod sa “Whole of Nation” approach na sinusulong ng pamahalaan.

Una nang sinabi ni Madrigal na ang karapat-dapat na susunod na AFP chief ay yung bihasa sa kampanya kontra sa rebelyon at terorismo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?