54

Nov 20, 2021 @ 15:30
By

Bagong turok na OFW etsapwera sa booster shot

Hindi pasok sa bibigyan ng booster shot laban sa COVID-19 ang mga overseas Filipino worker (OFW) na bagong bakuna lamang o yaong naka-isang buwan pa lamang pa lamang sa kanilang COVID vaccine.

Ito ang nilinaw sa Laging Handa press briefing ni National Task Force Against COVID-19 Spokesman Ret. Gen. Restituto Padilla matapos isama sa mga mabibigyan ng booster dose ang mga OFW na nakatakdang bumiyahe sa ibang bansa.

Ayon kay Padilla, ang mga bibigyang-prayoridad ay OFWs na yaong naka-anim na buwan na ng kanilang bakuna at nakatakdang umalis para sa kanilang mga bagong kontrata.

Hindi aniya pasok sa booster shot ang mga kakabakuna pa lamang o isang buwan pa lamang nabakunahan ng COVID vaccine.

“Kapag kayo ay nabakunahan six months ago or more, iyan po ang magku-qualify na papasok sa booster shot doses. Pero kung kayo ay nagkaroon ng last vaccination last month lang, hindi pa po umabot ng anim na buwan, hindi pa rin po pasok yan,” ani Padilla.

Ipinaliwanag ng opisyal na mayroong sinusunod na protocols alinsunod sa panuntunan ng vaccine experts kaya hindi lahat ng OFW na gustong makakuha ng booster shot ay agad tuturukan.

Hinihintay na lamang aniya ang guidelines kung kailan sisimulan ang pamimigay ng booster shots sa mga OFW.

Naunang binigyan ng booster shot ang mga health worker at isusunod na ang mga senior citizen na mayroong comorbidities o yung tinatawag na immunocompromised.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?