184

Apr 3, 2019 @ 17:04
By

Bagong SSS CEO patatatagin ang pension fund

Ipinangako ng bagong Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer (PCEO) na si Aurora C. Ignacio na magiging responsable siya sa pang-araw-araw na operasyon ng ahensya habang tinatahak nito ang isang mas matatag na ‘pension fund’ na magbibigay ng pangkalahatang proteksyong panlipunan sa mga Pilipinong manggagawa dito at sa ibang bansa.

Nilalayon ni Ignacio na mas pataasin ang kita ng SSS habang mas pinagbubuti pa ang paghahatid ng serbisyo para sa mga miyembro nito.

Kasabay nito ay pinasalamatan nila si Pangulong Rodrigo Duterte para sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya matapos siyang italaga noong ika-28 ng Marso para pamunuan ang operasyon ng pension fund.

“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte para sa pagkakataong ibinigay niya sa akin upang makapagsilbi sa ilalim ng kanyang administrasyon. Maasahan ninyo na ang kapakanan ng mga miyembro at pensiyonado ng SSS ang lagi kong prayoridad,” ani ni Ignacio.

Si Ignacio, 62, ang tumayong Officer-in-Charge ng ahensya nang mag-resign si dating PCEO Emmanuel F. Dooc noong ika-5 ng Marso.

Bago pa italagang SSS PCEO, si Ignacio ay naging kauna-unahang babaeng Chairperson ng Social Security Commission (SSC), ang pinakamataas na policy-making body ng SSS, noong Setyembre 2018.

Siya ay naging miyembro ng iba’t ibang komite ng SSC gaya ng Investment Oversight, Governance, Coverage and Collection, Media and Communications, Risk Management, Information Technology, at Audit Committee. Naging kandidato rin siya sa ilang SSS investee corporations.

Dating nanungkulan si Ignacio bilang Assistant Secretary for Special Projects sa ilalim ng Office of the President of the Philippines at inatasang maging Focal Person for Anti-Illegal Drugs sa ilalim ng Presidential Directive No. 5.

Kasabay noon, siya ay tumayong Principal Member ng Task Force on the Establishment of Rehabilitation and Treatment Centers for Drug Users, Guest Member ng Dangerous Drugs Board at Council Member ng National Food Authority.

Si Ignacio ay ang ikalawang babae na naging PCEO ng pension fund buhat nang manungkulan si Corazon Dela Paz-Bernardo noong 2001.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?