105

Dec 12, 2017 @ 15:22
By

Bagong presiding justice ng CA, nanumpa na

Nanumpa na kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang bagong talagang Presiding Justice ng Court of Appeals (CA) na si Romeo Barza.

Pupunuan ni Barza ang iniwang pwesto ni dating CA Presiding Justice Andres Reyes na nahirang namang mahistrado ng Korte Suprema.

Si Barza na isa rin sa mga mahistrado ng CA ay mula sa Lupon, Davao Oriental at nagtapos ng abogasya mula sa University of the Philippines noong 1974.

Bago mahirang sa CA, nagsilbi siya bilang hukom ng Batangas Regional Trial Court noong 1995 hanggang siya ay maitalaga bilang hukom sa Makati RTC noong 2002.

Samantala, hinirang naman bilang bagong mahistrado ng CA si Atty. Walter Ong na kapatid ni dating Sandiganbayan Justice Gregory Ong na nasibak sa serbisyo noong 2014 matapos maugnay kay Janet Napoles na itinuturong mastermind sa pork barrel scam.

Papalitan ni Ong ang naiwang pwesto sa appellate court ni Dating CA Justice Noel Tijam na nahirang din bilang mahistrado ng Korte Suprema. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?