342

Nov 28, 2017 @ 14:33
By

Bagong panganak na sanggol, itinapon sa basurahan

Isang kakapanganak pa lamang na lalaking sanggol na may umbilical cord pa ang natagpuang umiiyak sa isang basurahan sa Lungsod ng Caloocan Lunes ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, nakabalot sa plastic ang sanggol nang matagpuan ni Sean Raven Casimsiman sa kanto ng 2nd Avenue at Father Roxas Street ng nasabing lungsod.

Sabi ni Casimsiman, naglalakad siya sa lugar nang marinig niya ang iyak ng sanggol sa basurahan.
Agad niya itong inusisa at laking gulat na lamang niya nang makitang isang sanggol na lalaki pala ang umiiyak ng oras na iyon.

Inilarawan niya ang sanggol na mapula-pula ang balat at may makapal na buhok.

Agad siyang pumara ng tricycle at isinugod ang sanggol sa Caloocan City Medical Center para ipasuri. Malakas naman at malusog ang sanggol, sabi ng mga doktor ng tumingin sa baby.

Kasalukuyang inaalam pa kung sino ang mga mag-ulang ng sanggol.

Kung hindi lumitaw ang nanay nito, ililipat ang sanggol sa pangangalaga ng Caloocan City Social Welfare Department (CSWD.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?